Home METRO Molotov, replikang baril nasabat sa pekeng pulis sa Pasay

Molotov, replikang baril nasabat sa pekeng pulis sa Pasay

195
0

MANILA, Philippines – Arestado sa isinagawang follow-up operation ng Pasay City police ang isang taxi driver na nagpanggap na isang pulis matapos mambiktima ng dalawang babaeng estudyante bago maghating gabi ng Huwebes, Pebrero 26.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang nadakip na suspek na si alyas Ben, 39, taxi driver, residente ng L. Bernardino Gen. T. De Leon, Valenzuela City.

Base sa report na isinumite ni De Sesto kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, naganap ang pag-aresto sa suspek sa ikinasang follow-up operation bandang alas 11:45 ng gabi sa kahabaan ng F.B. Harrison Street, Barangay 13, Pasay City.

Sinabi ni De Sesto na ang pagkakadakip kay alyas Ben ay bunsod sa inihaing reklamo na kasong robbery ng dalawang estudyanteng babae, na nasa edad 15 at 18, na biniktima ng suspek nang sumakay mula Manila patungong Pasay ang mga ito sa kanyang minamanehong kulay puting D. Moog taxi na may plakang UBV 466 nitong nakaraang Pebrero 5, 2006.

Ayon sa mga biktima, nagpanggap na pulis ang suspek na nagpakita ng baril at pwersahang kinuha ang pera ng isang biktima sa pamamagitan ng digital transfer ng pera sa online banking nito bago pinababa ng sasakyan ang mga biktima at mabilis na tumakas.

Agad namang inilagay sa flash alarm ang plaka ng naturang taxi at sa patuloy na monitoring at surveillance operations ng Pasay City police ay namataan ang suspek na may kahina-hinalang ikinikilos lulan ng nabanggit na taxi na nakaparada sa kahabaan ng F.B. Harrison Street na naghihintay ng kanyang muling mabibiktima.

Sinabi ni De Sesto na sa pagkakataong iyon ay sinita ng mga rumespondeng tauhan ng Sub-station 1 (CCP Complex) ang suspek kung saan may nakitang nakaumbok sa kanyang tagiliran na kinalaunan ay nadiskubreng isang gun replica at sa patuloy nap ag-iinspeksyon sa taxi ng suspek ay narekober din ang isang riot-type hand grenande o molotov na nagresulta ng kanyang pagkakaaresto.

Agad na dinala ang suspek sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay City police ang suspek at ipiniit sa custodial facility habang inihahanda ang pagsasampa ng mga kasong paglabag sa R.A. 9516 (Illegal Possession of Explosives) at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) bukod pa sa hiwalay na kasong Robbery with Violence or Intimidation of Persons na isasampa naman ng dalawang estudyanteng biktima sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Pinuri naman ni Arceo ang Pasay City police at sinabing, “The arrest of alias Ben puts an end to a dangerous predatory scheme that targeted vulnerable students by abusing the name of the police force. We will not tolerate individuals who pose as law enforcers to commit crimes. This successful operation, which removed a lethal explosive from our streets, is a testament to our commitment to ensuring Pasay City remains safe for all commuters.” (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here