NADAKIP na ang isang wanted na kriminal sa Navotas City na dalawang taon ng nagtatago batas, matapos makorner ng pulisya sa manhunt operation sa kanyang pinagtaguang lugar Huwebes ng gabi sa lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat, natunton ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan ang kinaroroonan ni alyas “Remel”, 32, sa Brgy. San Roque, San Rafael, Bulacan dakong alas-6:30 ng gabi bunga ng ikinasang malawakang manhunt operation na iniutos ni NCRPO Regional Director P/BGen. Anthony Aberin.
Si alyas Remel ay nakatala bilang Top 2 Most Wanted ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Most Wanted Person ng Department of Interior and Local Government (DILG) na mahigit dalawang taon ng pugante sa batas matapos masangkot sa karumal-dumal na pagpatay.
Armado ng warrant of arrest ang District Mobile Force Battalion (DMFB) na inilabas noong Disyembre 11, 2023 ni Navotas City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Romana Maria Melchor P. Lindayag-Del Rosario ng Branch 287 para sa kasong murder laban kay alyas Remel nang salakayin ang lugar na kanyang tinutuluyan.
Nakumpiska rin ng pulisya sa akusado ang isang hindi lisensiyadong kalibre .9mm pistol na may 10 bala sa nakalagay na magazine kaya’t dinala muna siya sa San Rafael Municipal Police Station para masampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to the Omnibus Election Code. Rene Manahan