MANILA, Philippines – Magkatuwang na paiigtingin ng Estados Unidos at Pilipinas ang mga pasilidad sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) upang mapabuti ang logistical support.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., mas pabilisin ng dalawang bansa ang pagpapalakas ng kanilang kakayahan sa depensa. Aniya, bagaman ito ay mga base ng Pilipinas, kailangang mamuhunan upang mapahusay ang mga ito para sa logistical support.
Binanggit naman ni US Defense Secretary Pete Hegseth ang kahalagahan ng logistics support sa paggamit ng mga makabagong sistema at teknolohiya sa militar.
Samantala, tinuligsa ng China ang pagbisita ni Hegseth sa Pilipinas, na sinabing walang mabuting maidudulot ang pagbubukas ng pinto sa isang “predator.” Iginiit nilang hindi dapat gamitin ng Pilipinas ang ugnayang panseguridad nito upang bantaan ang ibang bansa o magdulot ng tensyon sa rehiyon.
Tinawag naman ni Teodoro na “robotic” ang pahayag ng China at sinabing nagpapakita ito ng makitid na pananaw ng isang saradong lipunan. Giit niya, hindi propaganda ang pinaiiral sa Pilipinas kundi malayang pamamahayag at demokrasya.
Samantala, binigyang-diin ni Hegseth na ang US ay hindi naghahangad ng giyera o panghihimasok, kundi kapayapaan at kooperasyon. Gayunman, aniya, hindi dapat ipagkamali ng sinuman ang hangaring ito bilang kakulangan ng paninindigan ng Amerika. RNT