MANILA, Philippines – Ipinaaalis na sa pwesto ang dalawang tauhan ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 matapos na mahuling nananampal at nanadyak pa ng isang menor de edad nang tumanggi ang kasamahan nitong babaeng singer na lumapit sa kanila sa Tuguegarao, Cagayan.
Ayon sa ulat, nakita sa cellphone video ang dalawang lalaking kausap ang isa pang lalaki habang nakaupo.
Makalipas ang ilang sandali ay bigla na lamang na sinapak at tinadyakan ng dalawang lalaki ang huli.
Dahil dito ay inihinto ang tugtugan.
Sa kuha ng CCTV, tila umawat pa sa komosyon ang isang babae ngunit nahila ang kaniyang buhok.
Ayon sa mga saksi, 15-anyos lamang ang biktima.
Kinilala naman ng Cagayan Public Information Office ang mga opisyal ng Land Transportation Office Region 2 na sina Assistant Regional Director Manuel Baricaua at Chief Enforcer Charles Ursulum.
Sa impormasyon, nais umano ng mga opisyal na palapitin ang isa sa mga singer ngunit tumanggi ito.
Sinuspinde na ng LTO si Baricaua bilang bahagi ng standard operating procedure ng ahensya.
Ipinag-uutos naman ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon na tanggalin na sa puwesto si Baricaua at Ursulum.
“Nag-order na ako ng immediate relief nitong ARD na ito sa Cagayan. Sumulat na rin ako kay Executive Secretary Bersamin recommending ‘yung immediate relief nito,” pahayag ni Dizon.
“Kasama din siya doon sa mga nanipa. So tanggal din siya. Tanggal sila pareho. Lahat ng involved, tanggal,” sinabi rin ni Dizon, patungkol kay Urzulum.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng DOTR.
Nakipag-ugnayan na ang DOTR at LTO Central sa dalawang biktima at tutulungan sa paghahain ng reklamo. RNT/JGC