Home NATIONWIDE Pabuya alok sa makapagtuturo sa mga magnanakaw ng metro ng tubig sa...

Pabuya alok sa makapagtuturo sa mga magnanakaw ng metro ng tubig sa Cebu

MANILA, Philippines – Magbibigay ng pabuya sa mga makapagbibigay ng impormasyon sa mga sangkot sa pagnanakaw ng mga metro ng tubig na pagmamay-ari ng Metropolitan Cebu Water District (MCWD).

Naitala kasi ng Metropolitan Cebu Water District ang nakakaalarmang bilang ng mga insidente ng nakawan ng metro ng tubig.

May alok na P25,000 ang ahensya sa makapagbibigay ng impormasyon at dagdag na P10,000 sa makatutulong sa pag-aresto sa mga suspek.

Umapela ang MCWD sa pulisya at komunidad na tumulong na matukoy ang mga magnanakaw ng metro at mga bumibili ng nakaw na metro.

Noong Mayo lamang, anila, ay nakatanggap sila ng 174 ulat ng nawawalang metro ng tubig, tatlong beses na mas mataas sa bilang na naitala sa kaparehong panahon noong 2024.

Samantala, mayroong 116 kaso ang iniulat sa unang 10 araw lamang ng Hunyo.

Inatasan ng MCWD Board of Directors ang pamunuan na gumawa ng aksyon at makipag-ugnayan sa Philippine National Police para sa ikaaaresto ng mga magnanakaw.

Nagpadala na ng formal request ang water district kay Police Brig. Gen. Redrico Maranan, hepe ng Police Regional Office-Central Visayas, para sa agarang tulong. RNT/JGC