MANILA, Philippines – Swak sa selda ang isang 40-anyos na binata na wanted sa kasong rape makaraang maaresto sa Malabon City.
Nabatid mula kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, base sa nakuha nilang kopya ng warrant of arrest na inilabas ng Malabon City Family Court Branch 4 noong April 22, 2025, naaresto si alyas “Asem”, residente ng lungsod.
Ang akusado ay nakatala bilang No. 4 Top Most Wanted Person sa Northern Police District (NPD) at No. 2 TMWP naman sa Malabon CPS kaya agad niyang iniutos sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa kanya.
At matapos makarating sa kaalaman ng pulisya ang kinaroroonan ng akusado, alas-3:00 ng hapon nang isagawa ang manhunt operation at naaresto si ‘Asem’ sa bahay nito sa Brgy. Longos.
Binitbit ng pulisya si “Asem” sa bisa ng naturang warrant of arrest para sa kasong Rape by Sexual Intercourse na walang inirekomendang piyansa at Rape by Sexual Assault na may inilaang piyansa na P200,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. Merly Duero