Home HOME BANNER STORY 2 tiklo sa pagpatay sa empleyado ng Kamara

2 tiklo sa pagpatay sa empleyado ng Kamara

MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang indibidwal na may kaugnayan sa pagpatay sa empleyado ng Kamara, sinabi ng Philippine National Police nitong Martes, Hunyo 24.

Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na ang mga suspek, tinukoy bilang middleman at ang isa ay lookout, ay nahuli sa magkahiwalay na operasyon sa Caloocan at Quezon City.

Sinampahan ang mga ito ng kasong murder at nasa kustodiya na ng Quezon City Police District.

Ayon kay Fajardo, ang middleman na kinilala lamang sa alyas na Balong, ay umamin na siya ay binayaran ng P30,000 ng mag-asawa dahil sa personal na galit.

“Ito po ay diumano may personal na galit sa biktima dahil diumano sila daw po ay sasampahan ng kaso nitong ating biktima po. So, nagpahanap po sa kanilang assistant kung sino ang puwedeng pumatay,” ani Fajardo.

“Hindi pa sila binabayaran hanggang ngayon.”

Ang apat na iba pang suspek na pinaniniwalaang sangkot din sa krimen ay nagtatago pa rin.

Matatandaan na itinumba si Mauricio Pulhin, 63, chief of technical staff sa House Committee on Ways and Means, noong Hunyo 15.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na dalawang suspek ang pumasok sa isang private venue kung saan ipinagdiriwang nina Pulhin ang kaarawan ng kanyang 7-anyos na anak na babae.

Binaril ito ng malapitan sa ulo na resulta ng agaran nitong kamatayan. RNT/JGC