MANILA, Philippines – Arestado ang dalawang lalaki sa umano’y panggagahasa sa isang cashier at pagnanakaw ng iba’t ibang gamit mula sa isang resort sa Trece Martires, Cavite.
Ayon sa ulat, dumating ang mga suspek sa resort madaling araw ng Agosto 5.
Sinabi ng Trece Martirez Police sa panayam ng GMA News na ang mga suspek ay nagpanggap na customer bago nagdeklara ng holdap.
Tinalian nito ang isang lalaking nakasaksi sa insidente at ikinandado sa loob ng kwarto.
Kinuha ng mga suspek ang nasa P3,000 mula sa cash register, dalawang cellphone, isang welding machine, grinder at electric drill.
Samantala, ginahasa pa umano ng dalawang lalaki ang isang babaeng cashier na dinala sa kusina.
Matapos na maiulat sa pulisya ang insidente, sinuri ng mga ito ang CCTV footage at agad na nadakip ang mga suspek.
Bago ang insidente ay nasangkot na rin ang mga suspek sa pagnanakaw ng isang pulang helmet sa parking lot ng isang fastfood chain sa Tanza, Cavite.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na nahaharap sa reklamong robbery with rape at illegal possession of firearms. RNT/JGC