Home METRO 2 tinedyer tinortyur, natagpuang patay sa Nueva Ecija

2 tinedyer tinortyur, natagpuang patay sa Nueva Ecija

Ang mga tinedyer na sina Jamil Fermin at Kyle Joseph dela Cruz na brutal na pinatay at natagpuan ang mga bangkay sa isang irrigation canal sa Brgy. Sta. Arcadia, Cabanatuan City. (Photo credit: Marina Bernardino)

MANILA, Philippines – DALAWANG lalaking menor-de-edad na hinihinalang biktima ng torture bago pinatay ang natagpuang mga bangkay na sa irrigation canal sa Purok 5, Barangay Sta. Arcadia, Cabanatuan City.

Kinilala ang magkaibigang biktima na sina Kyle Joseph dela Cruz at Jamil Fermin, parehong 17-anyos at residente ng Sta. Arcadia.

Ayon sa magulang ng mga biktima, nagpaalam ang kanilang mga anak na dadalo lang sa isang debut duon lamang sa kanilang barangay noong Marso 1.

Gayunman, hindi na nakauwi ang dalawang binatilyo hanggang sa may nakakita sa bangkay ng mga estudyante sa irrigation canal sa gilid ng kalsada.

Nang tunguhin ng mga kaanak ang lugar, nakumpirma na ang mga binatilyo ang natagpuang patay na may nakadagang motorsiklo.

Sinasabing wala namang kagalit ang mga biktima kaya palaisipan sa mga magulang ng mga biktima ang brutal na pagpaslang sa mga menor-de-edad.

Halos hindi makilala ang isa mga biktima dahil sa tindi ng tinamong pinsala sa mukha at iba pang bahagi ng katawan.

Ayon kay Emil Fermin, ama ni Jamil, mag-aalas 8:00 ng gabi nang umalis sa bahay ang anak para dumalo sa debut.

Pinayagan niya ang binatilyo dahil nangako naman itong uuwi rin kaagad. Pero mag-uumaga na ay hindi pa bumabalik si Jamil hanggang sa matagpuan na nga itong patay, kasama si Kyle.

“May mga sugat siya sa balikat, bunganga, sa hita, sa talampakan. Torture eh, torture ang nangyari sa kanya. Hindi ko matanggap kasi napakabata pa niya para gawin sa anak ko ‘yung ganung pananakit,” ani Mang Emil.

Hiniling ng pamilya ng mga biktima na sanay mabigyan ng hustisya ang pamamaslang sa mga menor-de-edad.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang mga awtoridad dahil patuloy pa ang isinasagawa nilang imbestigasyon sa krimen.

Blanko pa ang pulisya kung sino ang nasa likod ng brutal na krimen pero may mga nakausap na silang posibleng witness sa nangyari.

Kumakalap na rin ng mga CCTV footages ang pulisya na maaaring makatulong o magbigay ng lead sa kanilang imbestigasyon. Alvin Magbitang

Previous articlePasok sa ilang paaralan sa Quezon, CamSur sinuspinde sa military airstrike
Next articleTolentino nagbigay-galang sa mga matatanda