COTABATO CITY — Dalawang lalaki, kabilang ang isang negosyante, ang nasawi habang isa ang sugatan matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem ang kanilang sasakyan sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Huwebes.
Kinilala ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang mga nasawi na sina Kamarudin Mangansakan Ebus, isang negosyante, at Mohalidin Esmael.
Sugatan naman si Kenedie Adin, isang laborer. Pawang residente ng Cotabato City ang tatlo.
Ayon kay PRO-BAR spokesperson Capt. Steffi Salanguit, naganap ang pananambang bandang tanghali sa Sitio Panang, Barangay Salbu.
Patungo umano sa Cotabato City sakay ng pickup truck ang mga biktima nang lapitan at paputukan sila ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo.
Nasawi sa lugar sina Ebus at Esmael habang isinugod naman ng mga rumespondeng pulis sa ospital si Adin.
Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa pananambang.
Wala pang tinutukoy ang pulisya na grupo o indibidwal na posibleng nasa likod ng pag-atake habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT