MANILA, Philippines- Patay ang dalawang indibidwal matapos bumagsak ang isang Cessna plane sa Barangay Libsong East, Lingayen, Pangasinan nitong Linggo ng umaga.
Sa ulat, sinabi ng Lingayen police na ang mga nasawi ay ang piloto at isang student pilot ng aircraft.
Hindi pa isinasapubliko ang kanilang mga pangalan.
Wala nang ibang naiulat na nasugatan sa insidente.
Batay sa ulat, sinabi ng mga saksi na naganap ang pagbagsak ng aircraft bandang alas-9 ng umaga nitong Linggo. Sinabi nilang kaaalis pa lamang ng Cessna mula sa Lingayen Airport bago mawalan ng altitude at bumulusok.
Nakasaad sa buntot ng aircraft, “Pilipinas Space and Aviation Academy Incorporated”.
Kasalukuyang binabantayan ng mga awtoridad ang crash site, habang tinutukoy ang eksaktong mitsa ng insidente.
Sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang pagbagsak ng sasakyang panghimpapawid.
Pinangangasiwaan ng Pilipinas Space Aviation Academy Inc., ang Cessna plane ay isang training aircraft na may registration number na RP-C8595.
“The flying school is grounded pending the result of the ongoing investigation,” anang CAAP.
Kinukuha na ang pahayag ng Pilipinas Space Aviation Academy Inc. ukol dito. RNT/SA