Manila, Philippines- Nangunguna sa pinakahuling survey ng OCTA Research sa mayoralty race sa Maynila si dating Manila Mayor Francisco ‘ Isko-Moreno’ Domagoso.
Isinagawa ang naturang survey mula Marso 2 hanggang Marso 6, 2025 sa buong Maynila.
Sa inilabas na voter preference for Manila City Mayor, nakakuha ng 67% o 754,199 na bilang ng mga botante sa anim na distrito ng Maynila si Domagoso na nagpapakita ng kanyang malaking kalamangan sa darating na halalan sa Mayo 12.
Si Domagoso ay kabilang sa partido Aksyon Demokratiko.
Humahabol naman sa pangalawang ranking ang negosyante na si Sam ‘SV’ Verzosa, independent, na nakakuha ng 16% o 179,366 na bilang ng mga botante.
Sa anim na distrito sa Maynila, pumapalo lamang sa 10% hanggang 21% ang mga botante na gusto siyang iboto para sa pagka-alkalde ng Maynila.
Habang nasa pangatlong ranggo si incumbent Manila Mayor Honey-Lacuna Pangan ng Asenso Manileno na mayroon lamang 15% o 172,561 na gustong bumoto o nagnanais na muli siyang maupo sa pwesto para maglingkod sa mga Manileno.
Sa buong distrito ng Maynila, bagamat kanyang balwarte ang District 4, nakakuha lamang ito ng 20% kumpara sa porsyento na nakuha ni Domagoso na 58% na nangangahulugan na mas gusto ng mga botanteng taga-Maynila ang dating Yorme.
Ang aktor na si Raymond Bagatsing na kumakandidato rin sa pagka-alkalde ay hindi na nakausad.
Bagamat kilala rin ang kanilang angkan na sumabak sa pulitika, hindi rin ito ang naging basehan ng mga botante upang siya ay tangkilikin at gustong iboto ng mga taga-maynila.
Zero percent naman ang iba pang katunggali na sina Mahra Tamondong, Alvin Karingal, Jopoy Ocampo, ang negosyanteng si Michael Say at iba pa.
Sa nasabing survey, tinanong ng OCTA Research ang mga botante kung sino ang kanilang iboboto na kandidato sa pagka-mayor sa Maynila sakaling isasagawa ang halalan ngayon.
Samantala, hindi lang sa mga survey nakikita ang mainit na pagtanggap kay Isko dahil maging sa kanyang paglilibot sa lungsod at sa isinagawang proclamation rally ay dinagsa at dumagundong ang sigaw ng mga Manilenyo para sa kanyang pagbabalik-serbisyo sa lungsod. RNT