Home HOME BANNER STORY 3 sugatan sa pamamaril sa Antipolo ‘road rage’

3 sugatan sa pamamaril sa Antipolo ‘road rage’

MANILA, Philippines- Nauwi ang away sa kalsada sa Antipolo City nitong Linggo ng hapon sa pamamaril, nagresulta sa pagkasugat ng tatlong indibidwal, kung saan kalaunan ay nahuli ng mga awtoridad ang suspek.

Base sa Antipolo police, naganap ang insidente dakong alas-5 ng hapon sa kahabaan ng Barangay San Jose section ng Marcos Highway.

Kinilala ang mga biktima na sina:

  • “Peter”, isang 52-anyos na negosyanteng nagtamo ng tama ng bala sa ulo

  • “Patrick”, isang 22-anyos na college student na nabaril sa kanang braso, at

  • “Davis”, isang 29-anyos na nasapul ng bala sa kanang dibdib habang tinatangkang pahupain ang sitwasyon.

Isinugod ang tatlo sa Cabading Hospital upang gamutin.

Sinabi ng mga pulis na tinangka ng suspek na si “Kenneth”, isang 28-anyos na negosyante, na tumakas sakay ng kanyang itim na Toyota Fortuner subalit nadakip sa hot pursuit operation. Naaresto siya sa isang checkpoint sa Masinag, Barangay Mayamot, Antipolo City.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga pulis ang suspek habang ikinakasa ng mga awtoridad ang kaso laban sa kanya.

Inaalam pa ang mitsa ng pagtatalo na nauwi sa pamamaril. RNT/SA