MANILA, Philippines – Naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang Chinese nationals sa Parañaque City dahil sa ilegal na pagbebenta ng pre-registered SIM cards.
Kinilala ang mga suspek bilang sina alias Jianbin at Yaoxin, na nahuli sa isang entrapment operation sa isang mall sa Barangay Tambo noong Marso 25.
Nasamsam mula sa kanila ang 170 pre-registered SIM cards ng Globe at Smart, na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 11934 o SIM Registration Act.
Ayon kay CIDG Director Maj. Gen. Nicolas Torre III, maaaring gamitin ang naturang SIM cards sa mga ilegal na aktibidad gaya ng kidnapping, human trafficking, telecom fraud, at iba pang scam na konektado sa ilegal na POGO at internet gaming operations.
Kinasuhan na ang mga suspek sa National Prosecution Service. Tiniyak naman ng CIDG ang patuloy na paghahabol sa lahat ng lumalabag sa batas. RNT