NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese nationals sa magkahiwalay na operasyon sa Cebu dahil sa umano’y ilegal na pagtatrabaho.
Ayon sa BI, isinagawa ang operasyon noong Marso 19 ng mga tauhan ng BI Fugitive Search Unit (FSU), katuwang ang Intelligence Division at iba pang ahensiya ng gobyerno.
Sa Cebu City, arestado si Wu Zunsheng alyas “Rey,” 35, sa loob ng isang tindahan ng cellphone at accessories sa Osmeña Boulevard, Barangay Ermita. Nahuli umano si Wu na aktibong namamahala sa operasyon ng tindahan kasama ang mga Pilipinong empleyado.
Inamin ni Wu na tumatanggap siya ng bayad para sa inventory tasks, ngunit bigo itong magpakita ng pasaporte o anumang valid ID sa oras ng operasyon.
Sa imbestigasyon, napag-alamang may working visa si Wu bilang marketing consultant para sa kumpanyang nakabase sa Makati. Ngunit lumitaw sa intelligence reports na nagtatrabaho rin siya sa iba’t ibang negosyo sa Cebu—kabilang ang hardware at construction supply—na hindi saklaw ng kanyang visa.
Kinumpirma rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 7 na wala siyang Alien Employment Permit.
Samantala, sa Consolacion, Cebu, tiklo rin si Zheng Hongyou alyas “Jerry Ty,” 34, sa isang scrap metal recycling facility kung saan siya umano ang nagbabantay at namamahala sa mga manggagawang Pilipino.
Tulad ni Wu, wala ring naipakitang pasaporte o valid ID si Zheng nang siya’y arestuhin.
Batay sa rekord, may working visa rin si Zheng bilang consultant para sa kumpanyang nakabase sa Maynila.
Gayunman, nadiskubreng gumaganap siya ng managerial role sa isang kumpanya sa Cebu—na labag sa kondisyon ng kanyang visa.
Kapwa nahuling nagtatrabaho ang dalawa sa mga kumpanyang hindi nila deklaradong employer, malinaw na paglabag sa kanilang visa.
Kasalukuyan silang nakakulong sa kustodiya ng BI habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Philippine Immigration Act of 1940,.
Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa mga dayuhang lumalabag sa batas:
“We are closely monitoring foreign nationals who misuse their visas to engage in unauthorized employment. Let this serve as a warning: if you are found working outside the scope of your approved visa, you will be arrested and deported. We will not allow our immigration system to be exploited at the expense of Filipino workers and legitimate businesses,” saad ni Viado. JAY Reyes