Home NATIONWIDE 2 tulak timbog sa drug ops sa Pasay

2 tulak timbog sa drug ops sa Pasay

Nalambat ng mga tauhan ng Pasay City police Substation 7 ang dalawang di-umanoý mga drug pusher na nakuhanan ng high grade marijuana o Kush Martes ng madaling araw, Hunyo 4.

Kinilala ni bagong talagang officer-in-charge ng Pasay City police na si P/Col. Samuel Pabonita ang mga nadakip na suspects na sina alyas Jeff, 24, residente ng Block 17 Lot 14 Saint Cecile St., Barangay 179, Pasay City at isang alyas Dave, 17, ng 196 Almaziga St., Barangay 182, Maricaban, Pasay City.

Base sa report na natanggap ni Pabonita, naaresto ang dalawang suspects ng mga tauhan ng Substation 7 dakong alas 3:20 ng madaling araw sa Saint Cecile St., Barangay 179, Pasay City.

Ayon kay Pabonita, sa mga oras na iyon ay nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ng Substation 7 sa nabanggit na lugar nang kanilang matiyempuhan at sinita ang mga suspects.

Sa isinagawang body search ay nakuhanan ang mga suspects ng 2 pirasong medium heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang flowering tops ng marijuana (high grade marijuana o Kush), 1 transparent glass tube pipe na may bakas ng sinunog na marijuana at isang itim na disposable lighter.

Sa pagkakumpiska ng ilegal na droga sa mga suspects ay agad itong inaresto at dinala sa presinto para sa pormal na pagsasampa ng kaso laban sa kanila.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 11 Art. II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Pasay City police. (James I. Catapusan)