LEYTE, Philippines – Dalawang katao ang nasawi habang tatlo pa ang sugatan sa isang pamamaril sa Barangay Salvacion, Albuera, Leyte nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa Leyte Police Provincial Office (LPPO), sakay ng isang Toyota Wigo ang mga biktima patungo sa poblacion ng Albuera nang pagbabarilin sila bandang 7 a.m. sa isang paakyat na bahagi ng kalsada.
Kinilala ang mga nasawi na sina Maria Noya Velos, 51, at Sherwin Villones Gumop-As, 23, na kapwa residente ng barangay. Si Velos ay common-law wife umano ng barangay chairman ng Salvacion.
Parehong tinamaan sa ulo at leeg ang mga biktima na agad nasawi sa pinangyarihan.
Tatlo namang iba pa ang sugatan, kabilang ang isang menor de edad na 17 taong gulang, isang 18-anyos, at si Daniel Gumop-As, 56. Dinala sila sa ospital para sa paggamot.
Tumakas ang suspek o mga suspek patungo sa kabundukan ng barangay, kaya agad naglunsad ng hot pursuit operation ang pulisya katuwang ang SWAT at iba pang yunit. Nagpadala rin ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) para sa imbestigasyon.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo ng pamamaril at kasalukuyang pinaghahanap ang suspek, habang umaasa ang pulisya na makakalap pa ng impormasyon mula sa mga residente upang maresolba ang kaso. RNT/MND