MANILA, Philippines – Isang malaking sunog sa Barangay Sucat, Muntinlupa City ang nagdulot ng paglikas sa mahigit 200 pamilya at ikinasugat ng isang lalaki nitong Miyerkoles, Abril 29.
Nagsimula ang sunog bandang 6:45 ng umaga sa isang bahay sa Hacienda Rosario, Purok 2, at mabilis na kumalat sa mga kalapit na istruktura, umabot sa ikatlong alarma pagsapit ng 8:05 ng umaga bago tuluyang naapula bandang 11:40 ng umaga, ayon sa Muntinlupa City Fire Station.
Apektado ng sunog ang 202 pamilya o 738 indibidwal na pansamantalang nanunuluyan ngayon sa mga evacuation center sa Sucat covered court at Sucat Elementary School.
Ayon sa pamahalaang lungsod at Barangay Sucat, 38 pamilya ang nasa covered court habang 164 pamilya naman ang nasa paaralan. Nagbigay na rin ng paunang tulong ang lokal na pamahalaan sa mga apektado.
Kinilala ng mga awtoridad ang sugatang biktima na si Joseph Donato, isang residente na nagtamo ng second-degree burns sa kanyang likod.
Tinatayang nasa P350,000 ang halaga ng mga napinsalang ari-arian. Patuloy pang iniimbestigahan ang pinagmulan ng sunog.
Aabot sa 16 fire trucks, mga volunteer group, water tanker, ambulansya, at rescue vehicle ang rumesponde sa insidente. Dave Baluyot