MANILA, Philippines- Sa pagsisimula ng kanilang mahigpit na pagsasanay para maging opisyal na miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG), dalawang libong draftees ang nanumpa noong Lunes, Disyembre 9.
Pinangunahan ni Admiral Ronnie Gil Gavan, commandant ng PCG, ang oath-taking ceremony ng 1,698 lalaki at 302 babaeng draftees sa Coast Guard Fleet Parade Ground sa Pier 13, Port Area, Manila.
Ang pagdaragdag ng 2,000 draftees ay nagtaas sa kasalukuyang workforce ng PCG sa 34,000 noong Disyembre 2024, ayon kay Gavan.
Pinaalalahanan naman ng PCG commandant ang draftees na ang kanilang enlistment ay nangangahulugan ng pagsuko ng ilan sa kanilang mga karapatan at pagboluntaryo na gampanan ang mas mataas na responsibilidad bilang mga public servant.
Ide-deploy ang mga bagong draftees sa iba’t ibang coast guard districts at units sa buong bansa para dagdagan ang kasalukuyang workforce ng PCG habang hinihintay ang iskedyul ng kanilang pagsasanay.
Ang anim na buwang pagsasanay ay susubok sa limitasyon ng draftees dahil nakatakda silang sumailalim sa matinding pisikal na pagsasanay tulad ng military drills, lectures, at mga tradisyon at mandato ng PCG.
Ang mga ito ay isasagawa sa iba’t ibang PCG training centers sa buong bansa kabilang ang Taguig, La Union, at Zamboanga at iba pa. Jocelyn Tabangcura-Domenden