MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na inaasahan niya ang itatakda ang badyet para sa edukasyon sa katumbas na 4% ng gross domestic product (GDP) ng bansa para sa fiscal year 2026.
“Pipilitin nating umabot o lumagpas ng 4% of our GDP ang budget ng edukasyon dahil malaki ang kailangang pondo para masolusyunan ang krisis sa edukasyon. Hindi ibig sabihin na isasantabi na ang ibang sektor. Bibigyan lang natin ng prayoridad ang edukasyon,” ani Gatchalian, na chairman ng Senate Committee on Finance.
Iginiit ng senador na ang 2026 budget ay tututok sa “going back to the basics” sa pagpapalakas ng literacy at numeracy mula Kindergarten hanggang Grade 3.
Tinukoy din ni Gatchalian ang kahalagahan ng pagpopondo sa Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program at panukalang pagbuhay ng counterpart program kung saan ang lokal na pamahalaan at national government ay mag-aambag sa konstruksyon ng mga silid-aralan.
Dagdag pa, nais ng mambabatas na kumuha ng mas marami pang teacher aides upang maibsan ang work loads ng mga guro mula sa administrative at iba pang non-teaching tasks. RNT/JGC