Manila, Philippines – Naging emosyunal si Xyriel Manabat sa pagkukuwento bilang breadwinner ng pamilya.
Nangyari ito nang maging panauhin siya sa
YouTube channel ng Black Cookies Production.
Sa nasabing guesting, tinalakay niya ang para sa kanya’y responsilidad ng pagiging panganay.
Nag-share din ang aktres tungkol sa mga pagbabago sa kanya bilang ate kumpara noong panahong nag-iisang anak pa lang siya sa pamilya.
“Sobrang baliktad. Kung dati po sobra akong authoritarian, ngayon naman, hilig ko silang i-spoil,” saad ni Xyriel.
“Sa mga kapatid ko po ngayon, gusto ko, parang nung naging positive na ang outlook ko sa buhay, na mas may ma-keep silang good memories,” dagdag niya.
Isa rin umano ito sa mga kadahilanan kaya sinisikap niyang maging positibong impluwensya sa mga kapatid.
Ibinulalas din ni Xyriel ang kanyang hangaring maging mabuting ehemplo sa kanyang mga kapatid pagdating sa kanilang magulang.
“Ayokong maalala lang ng mga kapatid ko na, ‘Yung ate ko ang tigas sa parents ko. Yung daddy ko, hindi siya binigyan ng ate ko [ng chance] na magpakatatay.’
“Gusto ko ang babaunin ng mga kapatid ko hindi something na ihi-heal nila sa inner child nila. Gusto ko na ang maaalala nila is family, hindi trauma,” paliwanag niya.
Sa ngayon na muling aktibo si Xyriel sa pag-aartista ay dala niya ang bagong pananaw at determinasyon.
“Ang goal ko talaga ngayon, hangga’t maaari, hindi ako mag-no sa trabaho,” ani Xyriel.
Hirit pa niya, bukas daw siya sa anumang proyekto at handang tanggapin ang anumang role kahit sino pa ang kanyang makatrabaho.
“Never lang talaga mawalan ng project. Wala po akong pili sa role, sa kasamang artista, as long as meron pong pumapasok,” pagwawakas niya.
Umani naman ng papuri sa netizens ang pahayag ni Xyriel sa nasabing panayam.
Hinangaan din siya sa kanyang pagiging mabait at responsableng anak at ate. Archie Liao