MANILA, Philippines – Sugatan ang isang 21-anyos na lalaki matapos kuyugin ng apat na menor de edad sa Quezon City.
Sa ulat, pauwi na ang biktima sa kanyang tirahan kasama ang girlfriend nito nang masagi ang isa sa mga suspek sa isang eskinita.
Humingi naman ng paumanhin ang biktima ngunit hinamon pa rin ito ng suntukan.
“Hinawakan po siya sa kamay tapos ginanun po ng brother ko yung tumbler yung kamay para lang umaalis dahil sobrang higpit na po dun sa pagkakahawak sa kaniya. Sinuntok na po siya sa likod starting po sa ears po. Nadapa po yung kapatid ko then pinipilit pa po nilang itayo kahit na natumba na siya para suntukin ulit,” sinabi ng kapatid ng biktima.
Dagdag pa, nagsusuka na uano ang kapatid nito at hindi na makatayo at nahihilo na.
Nagtamo ang biktima ng sugat sa mukha at iba pang bahagi ng kanyang katawan.
Natunton na ng barangay ang dalawa sa mga suspek na pawang mga high school students.
Samantala, sinabi ng Barangay Pasong Tamo Council for the Protection of Children (BCPC) na isa sa apat na suspek ang naghain din ng blotter.
Ang isa sa mga suspek ay 17-anyos na binatilyo na sinabing sinaktan din umano siya ng biktima.
“Nung nasagi sa balikat, tinanong, ‘masikip ba ang daan?’ Parang, “ano ba ang problema mo?” Medyo hindi naging maganda siguro ang dating doon sa ano. Batay lang po ito sa nalalaman ko. So, agad na hinampas siya ng tumbler dito. Nung umuwi nga, duguan daw yung minor, tumutulo dito yung ano (dugo sa mukha),” ani BCPC officer Maria Consuelo Eugenio.
Walang tugon ang mga pamilya ng naarestong menor de edad.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.
Ani Eugenio, dahil sa mga tinamong sugat ng biktima ay maaaring mailagay sa youth rehabilitation center for children in conflict with the law ang mga menor de edad, sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development. RNT/JGC