MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate President Francis “Chiz” Escudero na muling suriin ang mga Philippine Inland Gaming Operator (PIGO).
“Ang POGO, mga dayuhan ang nagsusugal diyan, dayuhan ang nasisira ang pamilya, nalululong sa sugal, nawawalan ng pera dahil sa sugal. Pinagbawal natin, pero pinayagan natin ‘yung PIGO—Philippine Inland Gaming Operations—kung saan ang nagsusugal ay Pilipino, hindi dayuhan,” pahayag ni Escudero nitong Lunes, Marso 3.
Nagbabala si Escudero na bagamat naipasara na ang mga POGO, ang iba ay posibleng magpalit lamang at maging PIGO para makapagpatuloy ng operasyon.
“Ang nawawalan at nauubusan ng pera ay Pilipino at hindi dayuhan, at malamang sa malamang ‘yung mga dating POGO ay nagtatago sa likod ng PIGO,” dagdag niya.
Aniya, ang mga isyu na binusisi sa mga POGO ay posibleng kapareho rin ng mga isyu na mayroon sa local online gambling.
“Marahil dapat ay tignan at review-hin din ito dahil ‘yung mga sinusubukan nating iwasang masasamang bagay, pagkakamali, pagkukulang ay tila nand’yan din sa PIGO na ang tatamaan pa ay sarili natin mismong kababayan at hindi mga dayuhan lamang,” ani Escudero.
Dahil dito ay hinimok niya ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na magsagawa ng mabusisi at transparent na review ng mga PIGO at alamin ang tunay na epekto nito at benepisyo.
“Magkano nga ba nakukuha natin dito? And like the questions we ask in relation with POGO, is it worth it?” pagtatanong ni Escudero.
Kapag makita na ang mga PIGO ay may hindi magandang epekto sa mga Filipino, lalo na sa mga mahihirap, ay dapat ding ikonsidera ang ban sa mga ito katulad ng POGO.
“Alam ko malaking pera ang nakukuha ng PAGCOR dito. Malaking source of revenue ito at income sa parte ng pamahalaan, pero kung natatalikuran nga nila ‘yung malaking revenue at income din sa POGO, walang rason para hindi nila kayang talikuran din ‘yung malaking income sa PIGO kung nakakasama na talaga na ito sa ating mga kababayan na sa palagay ko ay oo,” aniya.
Matatandaan na ipinag-utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang e-sabong na naging talamak noon dahil sa pagkawala ng ilang mga indibidwal at pagkasira ng buhay ng mga Filipino.
Sa kasalukuyan ay may dalawang panukalang batas sa Senado na naglalayong magkaroon din ng total ban sa online gambling. RNT/JGC