Home NATIONWIDE 23,176 katao huli sa ‘war on drunks, topless’ sa CALABARZON

23,176 katao huli sa ‘war on drunks, topless’ sa CALABARZON

135
0

Camp BGen Vicente P. Lim, Laguna — Umabot sa 23,176 katao ang naitalang lumabag sa ipinatutupad na “Safer Cities” Initiative sa buong CALABARZON sa loob ng isang linggo, mula Abril 8 hanggang 14, 2026, sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Hansel M. Marantan, Acting Regional Director ng PRO4 CALABARZON.

Layunin ng pinaigting na kampanya na isulong ang kaligtasan ng publiko, disiplina, at mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na lokal na ordinansa.

Kabilang sa mga naitalang paglabag ang 5,883 indibidwal na nahuli sa pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar, 2,838 na gumagala sa lansangan nang walang suot na pang-itaas, 437 na lumabag sa paggamit ng videoke lampas sa itinakdang oras, 8,098 menor de edad na lumabag sa curfew, at 4,980 iba pa na lumabag sa iba’t ibang ordinansa.

Sa kabuuang bilang, 17,098 ang binalaan at pinalaya alinsunod sa direktiba ni SILG Jonvic Remulla, habang 6,062 ang pinagmulta at 12 ang pormal na sinampahan ng kaso dahil sa mas mabibigat na paglabag.

Ayon kay PBGen Marantan, ipinapakita ng mga bilang hindi lamang ang mas pinaigting na pagpapatupad ng batas kundi maging ang pangangailangang higit pang mapalakas ang kamalayan at pagsunod ng publiko sa umiiral na mga regulasyon. Binigyang-diin din niya na mahalaga ang buong kooperasyon ng mamamayan upang makamit ang mas ligtas at mas maayos na mga pamayanan.

Hinimok ni Marantan ang mga residente sa bawat lungsod at munisipalidad sa CALABARZON na patuloy na sundin at igalang ang mga umiiral na batas at ordinansa. Aniya, malaki ang naitutulong ng simpleng pagsunod, gaya ng pagrespeto sa curfew, pag-iwas sa mga ipinagbabawal na gawain sa pampublikong lugar, at pagsunod sa mga pamantayan ng komunidad, upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.

“Ang disiplina sa sarili at sa loob ng bawat tahanan ay mahalaga upang maitaguyod ang mas ligtas at tahimik na pamayanan. Ang Safer Cities initiative ng PNP ay nakabatay sa pagiging makatarungan, pantay na pagpapatupad ng batas, at paggalang sa karapatang pantao, na may layuning makalikha ng isang ligtas na kapaligiran para sa lahat,” ani Marantan.

Hinimok din ni Marantan ang publiko na patuloy na makiisa at makipagtulungan sa mga awtoridad, at binigyang-diin na ang pangmatagalang kapayapaan at kaligtasan ay makakamit lamang sa pamamagitan ng pagkakaisa, pagiging mapagmatyag, at sama-samang pagsunod sa batas. Ellen Apostol

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here