Home METRO Delivery rider sinita sa walang plaka, huli sa marijuana

Delivery rider sinita sa walang plaka, huli sa marijuana

Quezon City – ARESTADO ang isang delivery rider makaraang sitahin ng mga pulis dahil sa pagmamaneho ng walang plaka na tricycle pero sa huli ay nahulihan pa ng marijuana sa Quezon City.

Kinilala ng Quezon City Police District Station 1 Laloma ang nadakip na suspek na si Paulo Sibug, 20, binata, delivery rider, residente ng Brgy. NS Amoranto sa QC.

Ayon kay Pat. Bryan Soriano ng Laloma police nadakip ang suspek sa kahabaan ng Del Monte Avenue, corner Matutum St., Brgy.Manresa, QC dakong 6:45 ng umaga.

Sinabi sa ulat na nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga pulis ng QCPD station 1 Laloma sa pangunguna ni Pat. Ricky Jarabelo at Pat. Jed Allen Dela Mines nang sitahin ang suspek dahil sa pagmamaneho ng isang tricycle na walang plaka.

Agad hiningian ng rehistro ng kanyang dalang tricycle ang suspek subalit habang kinukuha ang rehistro at drivers license lumitaw umano ang dala nitong marijuana na isang bungkos.

Agad dinakip ang suspek ng mga pulis na hindi na nakapalag matapos mahulihan ng marijuana.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Santi Celario)