Home METRO 13-anyos pinagtulungang gulpihin ng mga kapwa menor

13-anyos pinagtulungang gulpihin ng mga kapwa menor

MANILA, Philippines – Binugbog ng ilang menor de edad, kabilang ang isang anim na taong gulang, ang isang 13-anyos na dalagita sa Malolos, Bulacan matapos siyang akusahan ng pagnanakaw ng pitaka.

Ang biktimang itinago sa pangalang “Mika” ay paulit-ulit na pinagbubugbog ng kanyang mga kalaro, na magkakapatid, matapos siyang pagbintangan ng kanilang ina ng pagnanakaw noong Enero 30.

Ayon kay Mika, tinakot siya ng ginang na papatulungang bugbugin siya ng kanyang mga anak kung hindi niya ibabalik ang pitaka.

Nag-viral sa social media ang isang video ng insidente kung saan umiiyak si Mika habang patuloy siyang sinasaktan.

Maririnig din ang isang babae na tinutulak ang mga bata na ipagpatuloy ang pananakit, at nagbantang siya mismo ang gagawa nito kung hindi nila ipagpapatuloy ang pambubugbog.

Kinumpirma ng barangay na ang ina ng mga bata ang unang nagreklamo laban kay Mika, ngunit itinanggi niya ang akusasyon nang humarap sa mga opisyal.

Bagama’t walang natagpuang pitaka, iginiit ng ginang na umamin si Mika sa kanya at sa barangay tanod. Paliwanag niya, tinakot niya lamang ang bata at hindi inaasahang hahantong sa ganitong sitwasyon.

Isa sa mga sangkot na menor de edad, si “Mariel,” 13, ay humingi ng tawad, sinabing nadala siya ng galit at pinagsisisihan ang kanyang ginawa.

Samantala, labis na nalungkot ang ina ni Mika sa sinapit ng kanyang anak, at iginiit na imbes na saktan, maaari naman siyang dinisiplina nang maayos.

Ipinahayag din niyang magsasampa siya ng kaso laban sa mga may kagagawan at hindi tatanggap ng anumang alok na areglo.

Rumesponde na rin ang City Social Welfare Office ng Malolos upang magbigay ng counseling sa mga batang sangkot at seminar para sa kanilang mga magulang. Kinumpirma rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na naabisuhan at nadalaw na nila ang mga menor de edad na nasa video. RNT