
NAGSISIMULA nang guguho ang marami kundi mang lahat ng kasalukuyang 39 proyekto na pinopondohan ng United States Agency for International Aid sa halagang nasa P4 bilyon sa Pilipinas
Ayon sa mga ulat, nasa 14 sa mga ito ang matatapos ngayong taon habang sa mga susunod pang limang taon matatapos ang nasa 25.
Kabilang sa mga proyekto ang pangangalaga sa kapaligiran na may partisipasyon ang mga mamamayan o non-government organization o local na komunidad.
Meron ding panlaban sa sakit na gaya ng Human Immunodeficiency Virus at Acquired Immunodeficiency Syndrome na konektado na rin sa laban para sa mga karapatan ng mga Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer at iba pa.
Mayroon ding para sa edukasyon, family planning, disaster prevention and preparedness, enerhiya, komunikasyon, katutubo at iba pa.
May mga paghinto na hindi lang ng mga pondo kundi mismo ng mga patrabaho kaugnay ng nasabing mga proyekto at apektado maging ang mga kontraktor, abogado, doktor at iba na nagsisilbi sa mga proyekto.
Katwiran ni Ellon Musk na siyang nagtulak sa pagbuwag sa USAID, makatitipid ang gobyernong US ng $1 trilyon mula ngayon hanggang 2026 sa pagbuwag ng organisasyong kriminal na USAID.
At dapat umanong sa kapakanan ng mga Amerikano gagastusin ang $1 triyon sa halip na para sa mga dayuhan, kasama na ang mga Pinoy.
DAPAT GOBYERNONG PINAS ANG GAGASTOS?
Katwiran ngayon ng dumaraming apektado ng pagtigil ng USAID sa Pinas, dapat balikatin na umano ng gobyerno ng Pilipinas ang mga responsibilidad at gastusing ipagkakait ng US.
May katwiran naman sila.
Subalit kung iisipin, may mga problemang mga Amerikano rin ang may likha kaya naman dapat iatang sa kanila ang malaking responsibilidad.
Sa pagmimina, halimbawa, mismong USAID pa ang nagbibigay ng pondo para sa pagsira sa kalikasan gaya ng P280M para sa paghahanap ng mga mineral na kailangan ng mga electric vehicle, baterya at iba pa.
Malalaki rin ang kapital ng mga Amerikano sa mga kompanya na nagmimina at sa katunayan, sila ang nagpasimula ng ilang malalaking mining company sa bansa at kayo na ang bahalang umalam sa mga ito, mga Bro.
Sa pagmimina, sira talaga ang kalikasan na pinagmumulan ng landslide, polusyon, pagkakalbo ng kagubatan na dapat unang responsibilidad ng mga mining company.
Sila rin ang nagpasimula ng HIV/AIDS sa Pilipinas gaya ng 8 kataong nahawa sa Subic Naval Base noong 1968 at ngayo’y nakahawa na sa halos 126,500 biktima at ikinamatay na ng halos 1,000.
SILA ANG PANAGUTIN
Kung sino ang may likha ng problema, dapat sila ang managot hindi ang gobyerno ng Pilipinas at lalong hindi ang mga mamamayan na pinagkukunan ng gobyerno ng pondo para sa ikalulutas ng mga problema.
Anong mga aksyon kaya ang mga pupwedeng gawin para sa pagpapanagot sa mga ito?
O maging inutil na lang tayo sa pagpapanagot sa kanila?