Home NATIONWIDE Termino ni Marbil pinalawig ni PBBM

Termino ni Marbil pinalawig ni PBBM

MANILA, Philippines – Pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng apat na buwan ang termino ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rommel Francisco Marbil, epektibo sa Pebrero 7, 2025, ang nakatakda niyang araw ng pagreretiro.

Ayon sa isang memorandum na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, inaprubahan ni Marcos ang pagpapalawig ng serbisyo ni Marbil kahit lampas na siya sa mandatory retirement age na 56.

Nagpasalamat si Marbil sa tiwalang ibinigay ng pangulo at sinabing gagamitin niya ang karagdagang panahon upang higit pang pagbutihin ang paghahanda para sa halalan sa 2025.

Nangako rin siyang pananatiliin ang integridad, propesyonalismo, at dedikasyon ng PNP upang masigurong magiging maayos at mapayapa ang eleksyon.

Si Marbil, ang ika-30 PNP chief at miyembro ng Philippine Military Academy Sambisig Class of 1991, ay naitalaga sa posisyon noong Abril 1, 2024.

Ilang dating PNP chiefs na rin ang nabigyan ng ekstensyon ng kanilang termino, kabilang sina Benjamin Acorda Jr. sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., Ronald “Bato” dela Rosa sa ilalim ni Duterte, at Leandro Mendoza at Edgar Aglipay sa ilalim ni Arroyo.

Sa ilalim ng Executive Order No. 136, series of 1999, may kapangyarihan ang pangulo na pahabain ang serbisyo ng kanyang mga itinalagang opisyal kahit lampas na sa retirement age. Kris Jose