Bumaba pa ang bilang ng mga tambay o walang trabaho sa Pilipinas noong Disyembre 2024, bunsod ng mas mataas na demand sa trabaho tuwing kapaskuhan, ayon sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang press conference nitong Huwebes, iniulat ni PSA chief National Statistician Claire Dennis Mapa na ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, edad 15 pataas, ay bumaba sa 1.63 milyon mula sa 1.66 milyon noong Nobyembre 2024. Dahil dito, bumaba ang unemployment rate sa 3.1% mula sa 3.2% noong nakaraang buwan.
Sa buong 2024, tinatayang nasa 1.94 milyon ang bilang ng mga walang trabaho, mas mababa kumpara sa 2.19 milyon noong 2023. Ang taunang unemployment rate ay bumaba rin sa 3.8% mula sa 4.4% noong 2023. (Santi Celario)