Home HOME BANNER STORY Pagawaan ng pekeng PWD IDs sinalakay sa Maynila

Pagawaan ng pekeng PWD IDs sinalakay sa Maynila

MANILA, Philippines – Sinalakay ng Manila Police District (MPD) ang isang maliit na silid sa Barangay 310, Maynila, noong Huwebes, kung saan umano’y ginagawa at inililimbag ang mga pekeng Persons with Disability (PWD) ID.

 Natuklasan ng pulisya na isang babae ang gumagawa ng mga pekeng PWD ID na may pirma ng mga alkalde mula sa Quezon City, Maynila, Pasig, Muntinlupa, at Angat sa Bulacan.

Matatagpuan ang ilegal na operasyon sa isang maliit na espasyo sa loob ng isang compound, na maaari lamang pasukin sa pamamagitan ng isang maliit na pintuan. Sa loob, nadiskubre ng pulisya ang isang desktop computer at printer na ginagamit sa paggawa ng mga pekeng ID.

Inamin ng suspek na mula noong nakaraang taon pa siya gumagawa ng pekeng PWD ID, na ibinebenta sa halagang P100 bawat isa, o P200 kung idadaan sa fixer.

Sinabi rin niya na ang template ng mga pekeng ID ay mula mismo sa fixer o kliyente, at kinakopya pa niya ang pirma ng mga alkalde upang magmukhang tunay.

Bagama’t batid ang legal na kaparusahan, sinabi ng babae na napilitan siyang gawin ito dahil wala siyang trabaho. Inamin din niyang gumagawa siya ng iba pang pekeng dokumento tulad ng birth certificates, transcript of records, at certificate of employment.

Samantala, kinondena ng Restaurant Owners of the Philippines ang talamak na paggamit ng pekeng PWD ID, na anila’y nagpapahirap sa mga negosyo, lalo na sa mga restoran. RNT