ZAMBOANGA DEL SUR, Philippines – Patay ang isang 25-anyos na rider matapos bumangga ang kanyang motorsiklo sa metal warning sign sa isang ginagawang tulay sa Barangay Bulanit, Labangan, Zamboanga del Sur madaling-araw ng Agosto 4.
Ayon sa pulisya, bandang 12:38 a.m. nang mangyari ang aksidente malapit sa Botel Bridge. Galing umano ang biktima na kinilalang si Christian Banagan sa Pagadian City at patungong Labangan nang hindi niya mapansin ang warning sign na inilagay sa lugar ng konstruksyon.
Dahil sa lakas ng bangga, tumilapon siya sa kalsada at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo, kabilang ang pagkabasag ng bungo. Idineklara siyang dead on the spot ng municipal health doctor.
Dinala ang kanyang labi sa isang funeral home sa Pagadian City, habang ang motorsiklo ay dinala sa Labangan Municipal Police Station.
Ayon sa kanyang kapatid na si Analyn Banagan-Baguara, kagagaling lamang ni Christian sa isang birthday celebration sa Tigbao at pinaniniwalaang pauwi na sana sa kanilang bahay sa Barangay Upper Pulacan, Labangan.
Sinabi rin niya na si Christian ang walang asawa sa magkakapatid at tumutulong sa pagbili ng maintenance medicines ng kanilang ina.
Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motorista na maging maingat sa mga lugar na may ginagawang kalsada o tulay at sundin ang mga warning sign at harang upang maiwasan ang aksidente. RNT/MDS