Home NATIONWIDE Pagpapalakas sa Free College Law, tutukan ni Bam; pondo dadagdagan

Pagpapalakas sa Free College Law, tutukan ni Bam; pondo dadagdagan

1
0

MANILA, Philippines – Siyam na taon matapos maisabatas ng Free College Law, muling pinagtibay ni Senador Bam Aquino ang kanyang pangako na lalo pang palakasin ang batas at tiyaking mabibigyan ng sapat na pondo upang mas maraming Pilipino ang makatapos ng kolehiyo.

Ginawa ni Aquino ang pagtiyak kasabay ng ika-siyam na anibersaryo ng pagsasabatas ng Republic Act No. 10931, o ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Siya ang tumayong principal sponsor ng batas noong 17th Congress bilang chairperson ng Senate Committee on Education.

“Siyam na taon na ang nakalipas mula nang maisabatas ang Libreng Kolehiyo—isang batas na nagpabago ng buhay ng libo-libong kabataan at kanilang pamilya. Mag-iisang dekada na, pero hanggang ngayon, isa pa rin ito sa mga pinakamahalagang bahagi ng aking paglalakbay bilang lingkod bayan,” wika ni Aquino sa isang Facebook post.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education at vice chairperson ng Senate Committee on Finance, nangako si Aquino na patuloy na poprotektahan at dadagdagan ang pondo para sa Free College Law para mas maraming estudyanteng Pilipino ang makinabang dito.

“Ngayong 2026, ipinaglaban natin ang P67 bilyon para sa pagpapatuloy ng Libreng Kolehiyo bilang bahagi ng makasaysayang P1.34 trilyong budget para sa edukasyon—ang pinakamalaking pondong inilaan para sa edukasyon sa kasaysayan ng ating bansa,” sabi ni Aquino.

“Patuloy nating babantayan at ipaglalaban ang pondong ito upang matiyak na hindi ito mababawasan, kundi lalo pang madaragdagan para mas marami pang kabataang Pilipino ang makinabang sa Libreng Kolehiyo,” dugtong pa niya,

Iginiit ni Aquino na ang Free College Law ay produkto ng sama-samang pagkilos ng mga mambabatas, educators, student groups, civil society organizations, at maraming Pilipino na sumuporta rito.

“Ang Libreng Kolehiyo ay hindi tagumpay ng iisang tao. Bunga ito ng sama-samang pagkilos ng ating mga kasamahan noon sa Senado at Kamara, ng mga organisasyon, student groups, mga guro, at ng napakaraming Pilipinong nakiisa upang maisulong ang batas na ito. Lubos din tayong nagpapasalamat sa Pangulo na nilagdaan ang batas noong 2017,” giit ni Aquino.

Naghain kamakailan si Aquino ng Senate Bill No. 130 para mapawalak at mapaganda ang Tertiary Education Subsidy (TES) program sa ilalim ng Free College Law para matiyak na pakikinabangan ito ng mga higit na nangangailangang estudyante.

Sa ilalim ng panukala, tiyak na makatatanggap ng TES grants ang lahat ng kuwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nakakumpleto ng Senior High School at natanggap sa CHED-recognized higher education institutions o TESDA-recognized technical-vocational institutions.

Ginagarantiya rin ng panukala na tatanggap ang mga benepisyaryo ng suporta mula sa TES hanggang makumpleto nila ang degree o technical-vocational program, basta’t maganda ang kanilang performance sa pag-aaral at nakasusunod sa polisiya ng mga institusyon.

Palalawakin din nito ang TES coverage para maisama ang internship at Related Learning Experience (RLE) fees, pati na ang one-time na gastos sa pagkuha ng professional licensure o certification. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here