MANILA, Philippines – Umabot na sa kabuuang 257,805 voter registrations ang inalis ng Commission on Elections (Comelec) bago ang October 2023 Barangay at Sangguniang Elections (BSKE).
“As of 29 June 2023, a total of 257,805 records nationwide have been deleted or abated from the national List of Registered Voters,” sabi ni Comelec Spokesperson Rex Laudiangco sa isang pahayag.
Ito ay resulta ng pagdinig ng Special Election Registration Board noong Hunyo 19.
Kasama sa bilang ang 167,223 pagkakakilanlan ng dalawa o higit pang mga fingerprint ng mga botante batay sa Automated Fingerprint Identification System, 84,335 na mga botante na lumipat na sa ibang lungsod o munisipalidad, 83 mga botante ay nabigong bumoto ng dalawang beses sa dalawang sumunod na regular na halalan, 2,620 na mga botante na iniulat o nakumpirma ng mga local civil registrar na namatay na at 3,544 na botante na napag-alamang may doble at maramihang mga rekord sa antas ng lungsod/munisipyo.
Ayon sa Comelec, isa pang round ng paglilinis ng listahan ang gaganapin sa Hulyo 27.
Nauna rito, sinabi ng Comelec na mayroong mahigit 400,00 indibidwal na may doble o maramihang rehistrasyon.
Noong Mayo, sinabi ni Comelec spokesperson Rex Laudiangco na ang poll body ay maghahain ng kasong election offense laban sa mga indibidwal na sinadyang magkaroon ng dalawang registration.
Nagsimula na ang Comelec na maghain ng kaso laban sa 7,000 indibidwal, una nang sinabi ni Comelec Chairman George Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden