Home METRO 26-anyos na PLWD ginahasa ng ‘stalker’

26-anyos na PLWD ginahasa ng ‘stalker’

Bulacan- Arestado ng mga awtoridad ang construction worker na umano’y gumahasa sa 26-anyos na Person With Learning Disability (PLWD) sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas Dacup, 44, habang ang biktima ay itago sa pangalang ‘Arnee’, kapwa residente ng Brgy. Citrus.

Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente sa pagitan ng alas-8 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi nitong January 26 sa nabanggit na lugar.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, mahigit isang linggong minanmanan ng suspek ang kilos ng biktima para mapaamo at maisama sa kanyang bahay.

Nabatid na binibigyan ng suspek ang biktima ng pera at pagkain hanggang isang araw ay nahikayat niya itong sumama sa kanyang bahay at tuluyang ginahasa.

Nang makita ang ina ay agad isinumbong ng biktima ang kahalayang nangyari kaya agad silang humingi ng saklolo sa barangay na rumesponde sa lugar kaya nahuli ang suspek at kalaunan ay isinuko sa pulisya.

Nahaharap ang suspek sa kasong statutory rape na nakakulong sa istasyon ng pulisya habang ang biktima ay nakatakdang pumunta sa Regional Forensic Unit 3 para sa genital examination. Dick Mirasol III