Manila, Philippines – Hindi nagbigay ng komento si Laguna Rep. Dan Fernandez matapos siyang ireklamo sa House Ethics Committee ng kampo ni Cassandra Li Ong gayung hindi lamang siya ang nag-iisang kongresista sa Quad Comm.
Sa panayam ng media ay sinabi ni Fernandez na: “I don’t want to comment on that and hindi ko pa nababasa ang complaint.”
Kasabay nito ay sinabi pa ng kongresista na haharapin niya ang reklamo at ipauubaya niya sa Ethics Committee sakaling mapatunayan ang paglabag.
“Karapatan po niya iyan at pagbigyan na natin. Wala namang problema diyan eh di pagbigyan na natin at i-hear naman po iyan dito sa Kongreso. Kung may violation e magdedesisyon ang komite. Ganoon kasimple iyon. Haharapin naman natin lahat iyan” pagdidiin pa ni Fernandez.
Si Ong, sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio ay naghain ng reklamo sa nabanggit na komite upang si Fernandez ay mapatalsik dahil sa umano’y mga aksyon nito na hindi nararapat o naaayon bilang isang mambabatas.
Sa kanyang akusasyon na nakapaloob sa 25 pahina ay sinabi ni Topacio na nilabag umano ni Fernandez ang Code of Conduct sa mga pagdinig ng Quad Comm ukol sa ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ay dahil hindi umano kinilala ng kongresista ang “right to counsel” ni Ong nang pagbawalan siya bilang counsel na lapitan ang kliyente, pagbabawal na mag-advise sa kaniyang kliyente at mga pagbabanta na huwag kausapin ang kliyente dahil maaari siyang ma-cite in contempt.
Binigyang-diin din ni Topacio sa reklamo na naapektuhan ang kredibilidad ng Kamara at ng Committee on Public Order and Safety dahil binabasa umano ng kongresista ang batas mula sa Google. Meliza Maluntag