CEBU, Philippines – Tatanggap ang National Shrine of St. Joseph sa Mandaue City ng 26 relics mula sa Rome, kabilang ang mga kaugnay sa 12 Apostles, mga santo na may debosyon kay St. Joseph, at mga banal na bagay na may kaugnayan sa Holy Family at mahahalagang bahagi ng kasaysayan ng Kristiyanismo.
Ang opisyal na pagtanggap ng kumpletong set ng relics ay nakatakda ngayong Sabado, Mayo 23, sa isang seremonya na itinuturing na isa sa pinakamalaking spiritual acquisitions ng dambana mula nang ideklara itong national shrine.
Sa isang media briefing, ipinakita ang dalawang first-class relics nina Saint Teresa of Avila at Saint Peter.
Ipinaliwanag ni Fr. Ian Fel Balankig, Team of Pastors ng shrine, na may tatlong uri ng relics sa Simbahang Katolika:
• First-class relics – mga labi ng santo gaya ng buto o buhok • Second-class relics – mga personal na gamit ng santo • Third-class relics – mga bagay na nahawakan ng first-class relics
Giit niya, ang mga relics ay hindi “anting-anting” kundi mga banal na bagay na may kaugnayan sa mga santo at kanilang intercession sa panalangin.
Ayon sa mga opisyal, kabilang sa 26 relics ang:
• relics ng 12 Apostles • relics ng 6 saints na may debosyon kay St. Joseph • 2 relics na direktang konektado kay St. Joseph • relics na kaugnay ng Virgin Mary • relic mula sa Holy Crib ni Jesus • fragment ng cave of the Nativity • fragment ng House of the Annunciation • splinter na pinaniniwalaang mula sa krus ni Hesus
Sinabi rin na may pitong Vatican authentication documents na magpapatunay sa pagiging tunay ng mga relics.
Ayon sa simbahan, ang request ay inisyal na isinagawa ngayong taon at inendorso ng Archdiocese of Cebu sa pamumuno ni Archbishop Alberto Uy, at kalaunan ay inaprubahan sa Roma.
Dagdag ni Fr. Balankig, ang pagiging national shrine ng simbahan at ang debosyon nito kay St. Joseph ang isa sa mga dahilan kung bakit naaprubahan ang kahilingan.
Matapos ang seremonya, ilalagay muna ang mga relics sa altar bago ilipat sa adoration chapel para sa pampublikong veneration. May plano rin ang simbahan na magtayo ng permanenteng chapels para sa mga ito sa loob ng compound. RNT/MND