Home METRO 287 ektarya ng lupain sapul ng Ilocos Norte grass fire

287 ektarya ng lupain sapul ng Ilocos Norte grass fire

MANILA, Philippines- May kabuuang 287 ektarya ng lupain ang apektado ng grass fire sa bulubunduking lugar ng Carasi, Ilocos Norte.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), 50 ektarya ng kabuuang lupain na apektado ay bahagi ng National Greening Program na pinamamahalaanan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ang grass fire sa Barangay Barbaquezo ay iniulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Carasi noong Enero 30, ng alas-2:30 ng gabi.

Nang sumunod na araw, idineklara ng Bureau of Fire Protection (BFP) Ilocos Norte na ‘fire under control’ na ang nasabing lugar.

Opisyal namang dineklara ng BFP ang fire out ng alas-2 ng hapon, subalit nagpapatuloy ang operasyon sa lugar upang matiyak na ligtas ang bisinidad.

Ang dahilan ng sunog ay patuloy na iniimbestigahan. Sa kabilang dako, ang MDRRMO Carasi, sa pakikipagtulungan sa BFP at forest rangers, ay nagsanib-pwersa upang maapula ang grass fire, mapigilan ito sa pagkalat at mabawasan ang lakas.

Ang Carasi Municipal Police Station, kasama ang 1st at 2nd Philippine Marine Force Companies (PMFC), ay nagbigay naman ng seguridad at tulong sa firefighting efforts.

Samantala, ang Philippine Air Force Tactical Operations Group 1, ay dumating sa Ilocos Norte, araw ng Biyernes para magsagawa ng heli-bucket operations.

Nagpadala rin ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng dalawang aerial assets, kabilang na ang Black Hawk helicopter at Huey helicopter, para palakasin ang ‘firefighting efforts.’

Samantala, sinabi ng OCD na ang aerial reconnaissance ay isinagawa, Sabado ng umaga para i-assess ang sitwasyon sa lugar.

Sa isang pagpupulong, sinabi ng OCD na pinag-usapan nila ang paglikha ng fire lines para mapigilan ang ‘future spread’ ng grass fire, at patuloy na i-monitor ng DENR forest rangers ang natitirang usok, bukod sa iba pa. Kris Jose