Home NATIONWIDE Suplay ng itlog sapat ‘gang Abril – PEBA

Suplay ng itlog sapat ‘gang Abril – PEBA

MANILA, Philippines- Taliwas sa pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., sinabi ng Philippine Egg Board Association (PEBA) nitong Linggo na wala itong nakikitang kakulangan sa suplay ng itlog pagsapit ng Abril sa gitna ng pagkabahala sa bird flu.

Sinabi ni PEBA president Francis Uyehara na base sa kanilang pagtataya, magkakaroon ang bansa ng sapat na suplay ng itlog hanggang Abril at Mayo.

“Sa ating grupo sa industriya, wala tayong inaasahang kakulangan sa itlog sa darating na April at May. Nagulat din kami doon sa detalye na lumabas sa Department of Agriculture,” pahayag ni Uyehara sa isang panayam.

“Sa aming projection, meron tayong sapat na supply ng itlog at least hanggang April at May. Mas mataas po ang ating produksyon ng itlog ngayong taon kumpara nu’ng nakaraang taon of the same month,” dagdag niya.

Matatandaang inihayag ni Tiu Laurel na maaaring maharap ang bansa sa supply shortage sa Abril, kahit hindi pa nararanasan ng Pilipinas ang malawakang outbreak ng bird flu.

“May chance pa naman ma-avert itong sinasabi ko sa Abril dahil Pebrero pa lang naman. But at least, looking forward, there is a problem, and we will act on it,” pahayag pa ni Tiu Laurel. RNT/SA