MANILA, Philippines- Nakahanda ang National Food Authority (NFA) para sa napipintong deklarasyon ng food security emergency sa bigas.
Kinumpirma ni NFA Administrator Larry Lacson na may ilang local government units (LGUs) ang nagpahayag ng interes na bumili ng NFA rice para sa distirbusyon sa oras na ideklara na ang emergency.
“We are ready. As we speak, ‘yung ating mga karatig na mga rehiyon… ay nagde-deliver ng mga bigas papunta ng NCR, aside ‘yung imbak natin diyan na marami na rin. Pinaghahandaan natin ito,” ang sinabi ni Lacson sa isang panayam.
“We are ready in the NFA to release the stocks, but we have to wait a little bit, tingin ko, bago maging available ito sa LGU na ibebenta na talaga sa publiko,” dagdag niya.
Nauna rito, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na maaaring ilabas ang NFA rice, araw ng Martes, Pebfero 4, subalit bahala naman na ang lokal na pamahalaan sa distribution timeline nito.
Kinumpirma naman ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na natanggap na ng kanyang tanggapan ang National Price Coordinating Council resolution na nagrerekomenda ng ’emergency declaration.’
Sa oras na maaprubahan, pahihintulutan ang NFA na magpalabas ng buffer stocks at simulan ang pagbili ng bigas mula sa mga magsasaka sa nalalapit na harvest season.
Sinabi ni Lacson na ang ‘initial release’ ay 300,000 sako ng bigas, may posibilidad na tumaas sa 450,000–500,000, depende sa demand ng LGU at Kadiwa store.
Aniya pa, mabibili ang NFA rice sa LGUs sa P36 per kilo at sa mga consumers naman na P38 per kilo, na may mahigpit na regulasyon para pigilan ang mga retailers na sobrahan ang nasabing presyo.
“Sa totoo lang, malaki sanang tulong ‘yun, ‘yung napakaganda na mabilis ang distribution. Pero sa ngayon, medyo hindi pa ‘yan pupuwede. Wala pa ‘yung channel natin directly sa mga retailers,” ang wika ni Lacson. Kris Jose