Manila, Philippines – Nais ng #29 Batang Quiapo Party-List na tutukan ng gobyerno ang pagbibigay ng suporta sa mga micro at small businesses sa bansa dahil ang mga ito ang nakapagbibigay ng maraming trabaho at oportunidad sa kabila ng maliit na suporta na nakukuha mula sa pamahalaan.
Ayon kay Zofia Canlas, isa sa mga nominado ng #29 Batang Quiapo at isang online seller at marketing expert, sa datos ng Philippine Statistics Authority ay nasa 99 porsiyento ng mga negosyo sa Pilipinas ay micro, small and medium enterprises, na dapat aniyang mabigyan ng oportunidad na magkaroon ng sapat na puhunan.
“MSMEs constitute a significant majority of businesses in the Philippines, providing employment to a substantial portion of the workforce,” Canlas said. “Yet they are generally left on their own, surviving only through sheer hard work and determination,” ayon kay Canlas.
Ang maayos na suporta para sa mga micro-entrepreneurs ay makatutulong na maibsan ang kahirapan sa pagbibigay ng oportunidad sa mga nasa low-income bracket, na ayon pa kay Canlas ay siyang isusulong ng #29 Batang Quiapo sakaling palarin na makasungkit ng upuan sa Kongreso.
Ipaglalaban aniya ng kanilang grupo na mabigyan ng sapat na benepisyo ang mga micro-entrepreneurs katulad ng paglalaan ng express lanes at pagpapababa ng binabayaran sa pagkuha ng mga permit sa pagnenegosyo at iba pang requirements.
Isa sa mga isusulong ng #29 Batang Quiapo ay magkaroon ng batas para sa “Paluwagan” para sa mga organisadong micro-entrepreneurs. Ang “Paluwagan” ay isang informal saving system kung saan umiikot ang pondo ng mga miyembro na kasalukuyan nang ginagawa ng marami sa bansa.
“It serves as a bridge financing that can be used to expand small businesses,” paliwanag pa nito. “Paluwagan also promotes financial cooperation and discipline among members, helping them achieve their financial goals,” dagdag pa ni Canlas.
Pinuna rin ni Canlas na kadalasan nahihirapan ang mga MSMEs na makapag-apply at makakuha ng loan sa mga bangko dahil sa kawalan ng collateral, credit history at iba pang financial records.
Nais din ng #29 Batang Quiapo na katawanin ang mga market vendors, mga sari-sari store owners gayundin ang mga online at street sellers.
Maliban kay Canlas, nominado rin sa #29 Batang Quiapo sina Atty. Ruskin Prinsipe at Vilma Macasaet Arce, external relations practitioner at anak ng dating public market vendor. RNT