Home HOME BANNER STORY 29 miyembro ng KOJC kakasuhan ng PNP sa pananakit sa mga pulis

29 miyembro ng KOJC kakasuhan ng PNP sa pananakit sa mga pulis

MANILA, Philippines – Nasa kabuuang 29 miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang nahaharap sa reklamo matapos masaktan ang nasa 60 pulis sa pagsisilbi ng arrest warrants laban sa kanilang puganteng pastor na si Apollo Quiboloy, sinabi ng Police Regional Office (PRO) 11 nitong Huwebes, Agosto 29.

Sa pulong balitaan, sinabi ni PRO 11 spokesperson Police Major Catherine dela Rey na inihain ang mga reklamong obstruction of justice at direct assault laban sa KOJC members.

“Meron tayong nakasuhan na 29 na KOJC members…And currently ‘yung iba, nasa Davao City Police Office custodial facility po sila. ‘Yung update sa akin kahapon, they are processing for their bail,” ani Dela Rey.

“Assorted cases—’yung iba dalawang case na obstruction of justice and direct assault, ‘yung iba obstruction of justice lang,” dagdag pa niya.

Nagpapagaling na ang nasa 60 pulis na nasaktan sa operasyon.

“Sa part ng PNP, based sa record ng regional medical and dental unit, meron na pong 60 na sugatan na PNP members. And then meron kaming na-cater na dalawang members ng KOJC na na-treat namin,” sinabi pa ni Dela Rey.

Wala pang tugon ang KOJC kaugnay nito.

Matatandaan na anim na araw nang namamalagi ang mga pulis sa compound ng KOJC sa pag-asang mahuhuli na ang nagtatagong si Quiboloy. RNT/JGC