Home HOME BANNER STORY 29 patay sa pagkalunod noong Easter Sunday – PNP

29 patay sa pagkalunod noong Easter Sunday – PNP

MANILA, Philippines- Patay ang 29 indibidwal sa paggunita ng Holy Week ngayong taon dahil sa pagkalunod, habang tatlo ang nawawala, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Linggo.

Sa isang panayam, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na may kabuuang 56 Holy Week-related incidents ang naitala, at 34 sa mga ito ay dahil sa pagkalunod.

Aniya, nagsimulang makatanggap ang PNP ng drowning incident reports noong Miyerkules, March 27, nang magsimulang magtungo ang mga tao sa probinsya para sa long weekend. Karamihan umano sa drowning incidents ay naganap sa beaches, private resorts, at mga ilog.

“May dalawa tayong insidente na near-drowning. Buti na lang ay may mga pulis tayong nandoon kaya naisalba natin ‘yung ibang mga biktima. ‘Yung ibang mga private resort ay, unfortunately, talagang nalunod ang mga biktima,” wika ni Fajardo.

Nakapagtala ang Calabarzon ng pinakamaraming bilang ng insidente sa 10. Sinundan ito ng Ilocos Region at Cagayan Valley sa tig-anim na insidente, at Bicol Region sa lima.

Kabilang sa mga insidente ang 12 bata, kung saan apat na taong gulang ang pinakabata, habang 78 ang pinakamatanda.

Sa tatlong nawawalang indibidwal, sinabi ni Fajardo na mula sila sa Rosales, Pangasinan; Jones, Isabela; at Tumauini, Isabela.

Lasing din umano ang ilan sa mga biktima, habang ang ilang menor-de-edad ay napabayaan ng kanilang mga magulang o guardian.

Sa 56 Holy Week-related incidents, 10 ang vehicular accidents, apat ang acts of lasciviousness, apat ang robbery, isa ang theft, isang fire incident, isang frustrated homicide, at isa ang kaso ng disobedience against a person of authority.

Ani Fajardo, naka-heightened alert pa rin ang PNP at nakatalaga pa rin ang mga pulis sa major thoroughfares, tourist spots, bus terminals, seaports, at airports hanggang ngayong Lunes, Abril 1. RNT/SA

Previous articleQuiboloy walang lusot sa Senate subpoena – Carpio
Next article5 lugar sapul ng ‘dangerous’ heat indices noong Easter Sunday