May mga inilatag na aktibidad ang Stella Maris Philippines at ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa obserbasyon ng 29th National Seafarers Day at ng 25th National Maritime Week.
Ipagdiriwang ang National Seafarers Day sa September 29, 2024 sa temang “Marinong Filipino: Ligtas na Paglalayag” alinsunod sa Presidential Proclamation No. 828 (1996) na naamyendahan ng PP No. 1094 (1997).
Pagkilala ito ng pamahalaan sa mahalagang papel ng Filipino seamen sa estado ng Pilipinas bilang isang maritime country.
Habang ang National Maritime Week ay oobserbahan mula September 22, 2024 hanggang September 29, 2024. Ngayong taon oobserbahan ng PCG, iniaatas naman ito ng PP No. 1560 noong 2008. Katuwang din ang Maritime Industry Authority at ng Philippine Ports Authority.
Kilala ang bansa bilang isa sa malaking pinagkukunan ng maritime labors sa buong mundo. Sinasabing mayroong isang Filipino seafarer sa bawat apat na mandaragat sa buong mundo.
Ayon sa Baltic and International Maritime Council (BIMCO) at International Chamber of Shipping (ICS) Seafarer Workforce Report 2021, ang limang pangunahing pinagmumulan ng officers at ratings ng mga seafarers ay nangunguna ang Pilipinas kasunod ang Russian Federation, Indonesia, China, at India. Ang limang bansang ito ay katumbas ng 44% ng kabuuang seafarer workforce sa buong mundo.
Noong 2023, nasa 578,626 ang naitalang bilang ng mga Filipino seamen na nagpasok ng remittances na US$ 6,852,362.00.
Sisimulan ang National Maritime Week sa September 21, 2024 sa pamamagitan ng International Coastal Clean-up. Magkakaroon muli ng paglilinis ng mga baybayin sa September 28, 2024 at pagtatanim ng mga bakawan.
Isang ecumenical Mass naman ang gaganapin sa PCG grounds sa Port Area, Manila na susundan ng pag-aalay ng mga bulaklak para sa mga namatay at nawalang mga marino at mangingisda sa karagatan, at ang sabay-sabay na pagbusina ng mga barko.
Gagawin naman ang “Stop and Salute Flag Raising Ceremony” sa Independence Flagpole sa Rizal Park, Manila bilang parangal sa mga marino at PCG. Magkakaroon din ng kapehan media forum.
Mayroong oratorical at art contests sa September 24, 2024 na lalahukan ng iba’t ibang maritime schools sa buong bansa. I-aanunsyo din ang mga nagwagi sa “Seaman Online” wacky photo contest.
Sa September 25, 2024 naman ay magkakaroon ng mental health awareness activity hatid ng PCG, dental consultation at hybrid webinar mula sa Marino World.
Idaraos ang maritime safety conference na kasabay ng “World Maritime Day” sa September 26, 2024, sa temang “Navigating the future safety first”.
Magpapagalingan naman sa 14th Boses ng Marino Karaoke Challenge ang mga talentadong marino sa seafarer’s shed sa Kalaw, Rizal Park sa September 27, 2024. Kasabay nito ang “Special Day for Overseas Filipino Seafarers” ng Department of Migrant Workers.
Sa mismong National Seafarers Day, magkakaroon ng isang grand parade na magsisimula sa Rajah Sulayman Park sa Malate, Manila patungo sa San Andres Sports Complex.
Dito gaganapin ang isang Banal na Misa na susundan ng paglilipat ng pamamahala sa National Maritime Week 2025 sa PPA. Magtatapos ang buong Linggong selebrasyon sa konsiyertong handog ng PCG Band.
Sa Cebu naman ang selebrasyon ay kinapapalooban ng siyam na araw na novena at pilgrim visit ng imahen ng Our Lady of the Star of the Sea sa iba’t ibang maritime institutions. Mayroon ding Misa, foot parade, fluvial processions, at friendly basketball games.
Ang Stella Maris ang siyang namamahala sa koordinasyon ng mga pampubliko at pribadong aktibidad kaugnay sa pagdiriwang ng National Seafarers Day. Ito ay bahagi ng missionary work at pastoral care ng Simbahang Katolika para sa tinataguriang “peoples of the sea” kabilang ang mga marino.