MANILA, Philippines – Umabot na sa kabuuang 3,642,176 ang naiprosesong aplikasyon ng mga nagparehistrong botante sa Commission on Elections (Comelec) para sa 2025 midterm elections.
Ang naitalang numero ayon kay Comelec George Garcia ay hanggang ngayong Hunyo 13, 2024.
Pinakamaraming nagparehistro sa Region IV -A na may 632,490; sinundan ng National capital region na mayroong 510,590 registered voters habang 422,092 naman sa Region III at 248,193 sa Region VII.
Sa mga rehiyon sa bansa, ang CAR o Cordillera Administrative Region ang may pinakamababang bilang ng mga aplikante na nagparehistro o naiproseso ng Comelec na umabot lamang sa 47,277.
Mayroon ding naiproseso na aplikante sa Main Office ng Comelec sa Intramuros, Manila na pumalo lamang sa 6,190.
Ang bilang ay lagpas na sa target na maabot ng komisyon na 3 milyong botante.
Ito ay ilang buwan pa bago ang itinakdang deadline ng voter registration sa Setyemre 30 ng taong ito.
Balak ng Comelec na ikasa ang paghahain ng kandidatura sa Oktubre 1-8, 2024. Jocelyn Tabangcura-Domenden