Home NATIONWIDE 3 akyat-bahay nasakote sa kisame; mga ninakaw naglaho parang bula

3 akyat-bahay nasakote sa kisame; mga ninakaw naglaho parang bula

MANILA, Philippines – Malaking palaisipan para sa mga imbestigador kung saan napunta ang mga ninakaw ng tatlong naaresong lalaki sa Las Piñas City, nitong Martes ng hapon.

Dakong alas-tres ng hapon ng Martes nang masakote ng mga rumespondeng pulis, barangay tanod at security guards ang tatlong lalaking magnanakaw sa mismong kisame ng niloobang bahay sa El Grande Avenue, Barangay BF International/CAA, Las Piñas City.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina alias Anthony, alias Andrei, at alias Paul na pawang residente ng Parañaque City at pare-parehong walang trabaho.

Kabilang sa mga nawawalang parang bula na mga nakaw na gamit ang 42-inch Sony flat-screen TV na may halagang ₱60,000, 43-inch Devant flat-screen TV na ₱50,000 ang presyo, at Mac computer na ₱100,000, ang halaga.

Nabawi naman ang ninakaw na air conditioning unit na may halagang ₱70,000.

Dagdag sa perwisyong ginawa ng tatlong suspek ang pagkasira ng circuit breaker (₱120,000), kisame (₱50,000), floor tiles damage (P50,000), at sliding door damage na ₱50,000.

Makaraang maaresto, ang mga suspek ay dinala sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) para sa documentation at mas malalim na investigation.

Sumailalim din ng medical examinations sa local hospital ang tatlong lalaking magnanakaw diumano na nahaharap sa mga kasong robbery with damage to property. Dave Baluyot