ZAMBOANGA CITY — Tatlong katao, kabilang ang isang 16-anyos na lalaki, ang inaresto habang halos P14.9 milyong halaga ng smuggled cigarettes ang nasabat sa magkahiwalay na operasyon sa Lanao del Norte at Zamboanga del Sur noong Lunes ng hapon.
Ayon kay Lanao del Norte Police director Col. Leo Sua, inaresto sa isang checkpoint sa Barangay Libertad, Kolambugan sina alias Ab, 59, at ang menor de edad.
Pinara ng mga pulis para sa inspeksiyon ang cargo truck na minamaneho ni Ab at natuklasan dito ang 9,000 reams ng sari-saring sigarilyong pinaniniwalaang puslit, na nagkakahalaga ng P7.2 milyon.
“Upon inspection, the truck was found transporting 9,000 reams of assorted cigarettes, all believed to be smuggled, and with an estimated market value of PHP7,200,000,” ayon kay Sua.
Dinala ang dalawa sa Kolambugan Municipal Police Station para sa dokumentasyon, processing at profiling bago irefer sa Bureau of Customs para sa kaukulang legal na aksiyon. Nasa kustodiya naman ng police’s 1st Provincial Mobile Force Company ang mga nakumpiskang sigarilyo.
Sa Zamboanga del Sur, inaresto naman ang isang 52-anyos na minivan driver sa Purok Kinhason, Barangay Panduma, Tukuran matapos itong mabigong magpakita ng mga kinakailangang dokumento para sa kanyang kargamento.
Sinabi ni Zamboanga del Sur Police director Col. Rodolfo Arañas na isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant tungkol sa pagbababa at pag-iimbak ng mga ilegal na sigarilyo.
“The operation was launched following information received from a confidential informant regarding the unloading and storage of illicit cigarettes,” ani Arañas.
Nasamsam sa operasyon ang 49 master cases ng sari-saring smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng tinatayang P7,733,606. Isinuko ang mga nakumpiskang produkto sa Bureau of Customs, habang nananatili sa kustodiya ng Tukuran Municipal Police ang drayber. Mary Anne Sapico