Home NATIONWIDE 3 barangay official utas sa pamamaril sa flag ceremony

3 barangay official utas sa pamamaril sa flag ceremony

132
0

MANILA, Philippines – Tatlong kumpirmadong namatay habang isa ang sugatan at ginagamot sa pagamutan, makaraang pagbabarilin sa harap ng Barangay Hall habang nagsasagawa ng flag ceremony sa Barangay Salitran 3, Dasmariñas City, Cavite.

Ayon kay PLTCOL Regino L. Oñate, Acting Chief of Police ng Dasmariñas Component City Police Station (CCPS), kinilala ang mga nasawing biktima na sina alias “Raul,” 56 taong gulang, Punong Barangay; alias “Marvin,” 54 taong gulang, Barangay Kagawad; at alias “Jose,” 65 taong gulang, Barangay Kagawad.

Samantala, malubhang nasugatan naman si alias “Christine Joseph,” SK Secretary.

Ayon sa nakalap na report, kinilala rin ang suspek na si alias “Ariel,” 50 taong gulang, dating Barangay Tanod ng nasabing barangay, na nasawi rin matapos magbaril sa sarili makaraang isagawa ang nasabing krimen.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, habang nasa kalagitnaan ng seremonya ang mga opisyal, lumapit ang suspek mula sa likuran at biglaang namaril gamit ang hindi pa natutukoy na uri ng baril.

Agad na isinugod sa iba’t ibang ospital ang mga biktima, kung saan dalawa ang idineklarang dead on arrival at isa pa ang binawian ng buhay kalaunan. Ang suspek ay dinala rin sa St. Paul Medical Center ngunit idineklara ring patay.

Bilang tugon, agad na nagsagawa ng mga hakbang ang Dasmariñas CCPS.

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril.

Base sa ibinigay na pahayag ni Regional Director Paul Kenneth Lucas, nanawagan siya sa publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag.

Hinikayat niya ang mamamayan na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaayusan sa komunidad. —Margie Bautista

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here