Nais ni Senator Christopher “Bong” Go na matugunan ang lumalaking isyu sa mental health ng mga kabataan at estudyanteng Pilipino sa pamamagitan ng pagsusulong ng mas malakas na mental health services sa mga state universities and colleges (SUCs).
Bilang tagapangulo ng Senate Committees on Youth at on Health, binigyang-diin ni Go na dapat nang apurahin ang pag-institutionalize sa campus-based mental health programs sa buong bansa, lalo’t tumataas ang ulat ng mga kaso ng depresyon at suicide sa mga estudyante at kabataang propesyonal.
Ibinahagi ni Go na plano niyang i-refile sa susunod na Kongreso ang panukalang mag-aatas sa lahat ng SUC na magtatag ng Mental Health Offices para mabigyan ang mga mag-aaral, guro, at kawani ng access sa propesyonal na suportang sikolohikal, mga serbisyo sa pagpapayo, edukasyon sa kalusugan ng isip, at intervention programs. Pangungunahan din ng mga tanggapang ito ang mga kampanya sa kamalayan at magsusulong ng kultura ng pagiging bukas pagdating sa paghingi ng tulong para sa mga alalahanin sa kalusugan ng isip.
“Ang mga institusyong pang-edukasyon ay hindi lamang dapat hubugin ang isip ng ating mga kabataan kundi protektahan din ang kanilang mental, pisikal, at emosyonal na kagalingan,” sabi ni Go.
Kailangan natin, aniya, ng mga sistemang malalapitan at mahihingan ng tulong ng mga mag-aaral, lalo na ang mga tahimik subalit nahihirapan.
Sa ilalim ng panukala, ang Commission on Higher Education (CHED) at mga pampublikong HEI ay kailangang magpatupad ng mga proactive mental health programs at tiyakin na ang mga serbisyo ay madaling maa-access, confidential, at angkop sa kultura.
Ang panukalang batas ay magtataguyod din ng pagsasanay sa mga guro at tauhan ng paaralan upang makilala ang warning signs at makapagresponde nang naaangkop.
Co-author at co-sponsor din si Go sa Republic Act No. 12080, o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, na nag-institutionalize sa mental health programs sa basic education schools.
Tinitiyak nito na kahit ang mas batang mag-aaral ay may access sa wastong edukasyon sa kalusugan ng isip at sistema ng suporta sa murang edad.
“We’ve made progress, but more needs to be done. We must address mental health concerns among the youth through concrete, tangible and sustainable policies,” ani Go.
Sa Baguio City, ang pamahalaang lungsod ay patuloy na humaharap sa mga hamon na may kaugnayan sa mental health awareness at service accessibility.
Ayon kay Dr. Ricky Ducas Jr., pinuno ng mental health clinic ng City Health Services Office, nakapagtala ang lungsod ng 35 kaso ng suicide noong 2024, karamihan ay mga kabataang lalaki na may edad 15 hanggang 29. Sa taong ito, 15 pang kaso ng suicide ang naitala.
Ipinunto ni Ducas na marami sa mga kaso ay kinasasangkutan ng transient students at workers na hindi alam kung saan at kung paano maa-access ang mga serbisyong mental health sa lungsod.
Bagama’t ang Baguio ay may mental health clinic at advocacy-based centers na nag-aalok ng counseling at referrals, kailangan pa rin aniya ng improvement sa awareness at outreach.
Pinuri ni Senator Go ang patuloy na pagsisikap ng Baguio City sa pagtugon sa sitwasyon at umaasa siya na ang mga lokal na inisyatiba ay maaaring magbigay ng inspirasyon sa mga katulad na programa sa buong bansa. RNT