MANILA, Philippines – Nasagip ng mga awtoridad ang tatlong menor de edad na biktima ng human trafficking sa Cabiao, Nueva Ecija.
Ayon kay Police Col. Ferdinand Germino, Nueva Ecija police chief, nagsumbong sa Gapan City police ang 12-anyos na babae at sinabing siya ay biktima ng human trafficking.
Agad na naglunsad ng operasyon ang mga awtoridad at nasagip ang tatlo iba pang menor de edad na mga biktima na edad 12, 13, at 17 sa isang apartment sa Barangay Palasinan, Cabiao.
Nahuli naman ang limang hinihinalang human trafficker kabilang ang dalawang menor de edad.
Nagawang makatakas ng ikaanim na suspek na pinaghahanap pa din ng pulisya.
Inaalok umano sa mga customer online ang mga biktima.
Nasa kustodiya na ng Gapan City Police Station ang mga suspek habang ang mga menor de edad pa ay nasa kustodiya ng social workers para sa nararapat na hakbang.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong human trafficking. RNT/JGC