Home METRO 3 Chinese, 1 Pinoy arestado sa Pasay road rage

3 Chinese, 1 Pinoy arestado sa Pasay road rage

170
0

MANILA, Philippines – Tatlong Chinese nationals at isang Pinoy ang nadakip sa naganap na road rage at nauwi pa sa pamamaril sa Pasay City Sabado ng madaling araw, Setyembre 21.

Kinilala ni Pasay City police officer-in-charge P/Col. Samuel Pabonita ang mga naarestong mga suspek na sina alyas Xiaolei, 40; alyas Wang, 31; alyas Lin, 34, pawang mga Chinese national; at ang Pinoy na si alyas Redentor, 39, isang security driver.

Base sa report na isinumite ni Pabonita kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Leon Victor Rosete, unang nadakip ng mga tauhan ng Substation 1 sina alyas Xiaolei, alyas Wang at alyas Redentor dakong alas 3:00 ng madaling araw sa panulukan ng Roxas Boulevard at Sen. Gil Puyat Avenue, Barangay 76, Pasay City.

Sinabi ni Rosete na nauna rito ay nagkaroon ng gitgitan sa kalsada ang isang Honda Odyssey at isang kulay silver na BMW sa southbound ng kahabaan ng Roxas Boulevard kung saan nasagi ng BMW ang hulihang bahagi ng Odyssey.

Parehong huminto ang dalawang sasakyan sa kanto ng Roxas Boulevard at Sen. Gil Puyat Avenue kung saan nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang kampo na nauwi pa sa palitan ng putok ng baril.

Ayon kay Rosete, agad na rumesponde ang mga tauhan ng Substation 1 at Pasay Police SWAT team kung saan naaresto sina alyas Xiaolei, alyas Wang at alyas Redentor.

Sa pagsasagawa ng eksaminasyon ng Scene of the Crime Operation (SOCO) Team at ng mg imbestigador ng Intelligence and Detection Management Section (IDMS) ng Pasay City police sa lugar ay narekober ang walong basyo ng .9mm; limang bala ng .9mm; dalawang metal jacket; isang deformed na bala; isang BMW 538 D; isang Honda Odessey, iba’t-ibang plate numbers; isang TARA .9mm pistola; isang GIRSAN .9mm pistola na may magazine at kargado ng 16 na bala; Airsoft M4 Caliber na may magazine; dalawang kutsilyo; isang Iphone; iba’t-ibang designer bags at wallet; cheque book; identification cards, ₱2,050; at mga key chains na mayroong iba’t-ibang susi.

Samantala, hindi na inabot ng mga rumespondeng operatiba si alyas Lin na agad na nilisan ang lugar kung saan nakasalubong niya ang biktimang si alyas William na napadaan lamang sa Macapagal boulevard lulan ng kanyang minamanehong e-bike at tinutukan ito ng suspect ng kanyang baril at pwersahang kinuha ang e-bike at tuluyan na itong tumakas.

Bunsod ng flash alarm na inisyu ng Pasay City police ay natunton ng Parañaque City police ang kinaroroonan ng e-bike dakong alas 10:32 ng umaga sa Barangay Tambo kung saan agad na nagkasa ng dragnet operation bandang alas 11:10 ng umaga na nagresulta ng pagkakaaresto ni alyas Lin sa Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City.

Sa pagdakip kay alyas Lin ay narekober sa kanyang posesyon ang isang Glock 19X caliber .9mm pistola, isang bala ng .9mm pistola, at ang kanyang tinangay na e-bike.

Ang mga inarestong suspects ay isinailalim sa paraffin examinations habang ang mga nakumpiskang baril ay dinala naman sa SPD Forensic Unit para sa pagsasagawa ng forensic analysis.

Nahaharap ang mga suspects sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here